Ang pinakamahabang tulang Tagalog na tumagal sa akin. Haha :D Pinaghirapan ko ito ng 5 oras siguro, na putul-putol sa loob ng tatlong araw. Gusto ko pa sana habaan, dudugtong ko na lang kapag gusto ko pa. Haha :D Pamagat nito... "Tinig ng Torpe..."
Ako nga ay isang pipi: sa sarili’y nakatago;
Damdamin ay kinukubli, puso’y nakabalatkayo!
Ang sigaw ko ay tahimik; ang yakap ko ay anino;
Ang paghaplos ko ay hangin, bakit ba torpe ang puso?
Ang puso ko’y nakabukas, at ang labi’y nakasara;
Kailan ko ba ibubuka? Kailan ba magsasalita?
Nand’yan ka na, abot-tanaw, paminsa’y nakakasama;
Tila ba nangingibabaw sa’king sarili ang hiya.
Ang aking mahinang tinig, ang sigaw kong walang lakas,
Sana ay iyong madinig, mabanaag o mabakas.
Bawat gabi’y nananalig sa Diyos na nasa itaas,
“O kailan ba maniniig ang pag-iibigang wagas?”
Tanong ko ay walang sagot; utak ko’y walang pahinga;
Isip ko ay lumilibot, hinahanap kung nasa’n ka.
Kung ikaw lamang ay abot bawat minuto at araw,
Ang puso ko ay sasabog sa sobrang pagkatuwa.
Bawat araw na dadaan, sarili ko’y tatanungin,
Sasabihin ko na sa kanya? O ipadala sa tingin?
At sasapit ang ung u, hindi ko na masasabi,
Oo, aking sinasadya na padaanin sa hangin.
Paghiga ko sa kama, sa sarili’y maiinis,
Ano ba ang ginagawa? Pagkakatao’y umaalis!
Ako’y haharap sa unan, pagtapos ay magsisisi,
Mapapangatngat sa punda sa sobrang paghihinagpis.
Ako ay mapapangiti ‘pag ika’y ginugunita,
Kunwa;y magkatabi, nakahiga sa damuhan;
Sa labi’y namumutawi, matatamis na salita,
Hanggang sumapit ang gabi, kamay nati’y magkahawak.
Pangalan mo’y ulit-ulit na lumalabas sa bibig,
Wari’y ‘sang batang makulit, ‘di mapigilan ang kilig.
Isang mahabang pag-impit sabay ng kabig ng dibdib,
Ang mundo ay lumiliit sa aking mumunting silid.
Sa bawat magkasintahan na aking napagmamasid,
Sarili’y nakukulangan, kailangan ko ng pag-ibig;
Sa ngitian at akbayan, ako’y sadyang naiinggit,
Napapasok sa isipan, hiling ko sana’y tayo din.
Para bang napakasarap kung mahal ka ng mahal mo;
Parang nasa alapaap kung kayakap mo mahal mo;
Ngunit sa pangungulila, ginuhit ang tadhana ko;
Ang torpeng nagpapaawa, ngunit ‘di man kumikilos.
Ang puso mo’y nakasara, ang pinto’y nakakandado;
May iba bang nakatira? O ayaw mong magpapasok?
Puno ng kaba at hiya, ayaw ko namang kumatok;
Paano ko malalaman ang sagot sa aking tanong?
Kaysarap mong tingnan lagi, ngunit hanggang tingin na lang.
Kay tamis ng iyong ngiti, ngunit pangkaibigan lang.
Telenovela ang dating, cheesy’t OA ang tauhan,
Ang buhay nga’y parang TV, napakadaming eksena.
Kapag ikaw ay ngingiti, magkukuwento tungkol sa’yo,
Bawat buka ng ‘yong labi, napatutulala ako.
Anuman ang sabihin, makikinig ako sa’yo;
Lahat ng iyong babanggitin, itataga ko sa bato.
At sa tuwing umuulan, ika’y aking maiisip?
Ano ang ‘yong kalagayan? Ikaw ba ay nilalamig?
Anuman ang kalamidad, hahandugan ka ng himig,
Ika’y aking tatabihan sa gabing mahalumigmig.
Kung ikaw ma’y walang payong, walang panlaban sa ulan,
Halika’t dito sumilong, ikaw ay proprotektahan,
Ipo-ipo man o bagyo, ika’y aking sasamahan,
Pwede na ‘kong mapahamak, ikaw lamang ay mahagkan.
Kapag ikaw ay pupunta at lalapit sa’king tabi,
Ang sarili’y mawawala at mapapakagatlabi;
Sayo’y gusto kong humiga, maramdaman ang iyong init,
At ako ay matitigan na para bang umiibig.
At ikaw nga ay tatabi, puso ko’y tumatalon;
Sumisigaw ang damdamin ngunit labi ko ay tikom.
Kailanma’y di magsasabi, sa tubig ay di aahon,
Kailanman ay ‘di aamin, ipalitis man sa hukom.
Pero kung ako ay bukas sa damdamin ko na ito,
Ano kaya ang siyang wakas ng love story ng buhay ko?
Masaya ba ‘tong lalabas o magiging kwentong bigo?
Sana lang ay mayrong lakas magtapat ng pag-ibig ko.
“Sa huli ang pagsisisi,” sabi ng salawikain,
Baka nga ito’y mangyari kung hindi pa ako aamin;
Sa pagdadalawang-isip, akin na lang sasabihin,
Anuman ang mangyayari ay hayaan na lang natin.
Padadaanin na lang ba, maraming pagkakataon?
Palilipasin na lang ba, mga umaga at hapon?
Puso ko ma’y malulumbay, mangungulila man ako,
Isang masagit na aray – pero ang sagot ay oo.
Tila ako’y isang multo na hanggang paramdam lamang,
Hindi masabi ang gusto, hanggang pasenyales lamang;
‘Pag may ilaw nakatago, sa dilim ay lumalabas,
Torpe ba ang espiritu dahil ayaw magpakita?
Ang sigaw na walang lakas, boses na wala sa baga,
Salitang ‘di binibigkas, ang tugtuging walang kanta,
Isang tulang walang sinasabi at hindi pinapakinggan
Ito ay tinig ng torpe, sana’y iyong maramdaman. :)
TAPOS.
2 comments:
mahaba-haba tong tulang to aaa. :))
ang ganda ng poem mo. :)
Post a Comment