April 16, 2010

Tinig ng Torpe IV: Ngiti sa Entablado

At last. Matapos ang Pasko ng Tinig ng Torpe eh naggraduate na. Ito naman ang kwento ng isang torpe sa kanyang Graduation Day (kwento ko yata ‘to?). Tatlong buwan matapos ang Pasko, nakahanap na naman ng inspirasyon ang torpeng favorite ko. Ayun. 22 stanzas na naman ng pagiging tahimik, pag-asa at pag-ibig. Kung bakit pa kasi nagkablackout kanina dito at ‘yun, naisipan ko tuloy maging poetic na naman. :D

Ito ang Tinig ng Torpe IV: Ngiti sa Entablado.

Tayo nga ay nakaputi, may kartong putong sa ulo,
Sa kaklase’y bumabati bago man lang magkalayo;
Karamiha’y nakaayos; babae’y makolorete:
Ito na ang pagtatapos, ang araw ng estudyante.

Naglalagablab ang araw at tayo ay nakabilad;
Sa malayo’y natatanaw, pila nating parang higad.
Ngunit iba ang siyang hanap ng mata kong nasasabik,
Karoonan mo’y matatap at mabigyan ng ‘sang tapik.

Tumutugtog na ang martsa at tayo na’y naglalakad;
Ang isip ko’y sayo’y kasa hanggang marating ang bungad.
Aking pangala’y nabanggit, kasunod saya ang sa’yo
Nang sa upua’y paglapit, ikaw na ang katabi ko.

Ang habilin sa ensayo: huwag titingin sa likod.
Anong parusa ba iyon, pwede bang ikaw ay bukod?
Nais kong ika’y makita sa’yong paglakad sa gitna
Nang ngiti mo’y magunita at araw ko’y kumulay na.

Tayo ay tatawagin na; diploma na ay kukunin;
Umuusad na ang pila; entablado’y tutunguhin.
Isa-isa ay aakyat; medalya’y tangan sa braso;
Sa mga tao’y tatapat, ngingiti sa entablado.

Ikaw nga ay hihintayin sa entablado pumanhik;
Pangalan mo’y babanggitin, ano ba’t ako’y sabik!
Ika’y lulugar sa tabi, naghihintay sa pagyukod;
Ang ligaya sa ‘yong labi sa lahat ay namumukod.

“Tignan mo ko! Tignan mo ko! Ako’y naririto lamang!”
Sa iyo’y ‘yan ang hiling ko na ako’y ngitian man lang.
Sana’y photographer na lang ako sa graduation na ito
Nang mabigya’t mapagmasdan ‘yong ngiti sa entablado.

Nakakatunaw mong tingin sa mga lente ng camera,
Nakakagising damdamin, sa aki’y agaw eksena;
Ang galing naman ng lente at siya ay pinapansin mo,
Ano ba ang kanyang swerte’t ngitian mo naman ako!

Ako muli’y tatawagin, tatanggap pa ng parangal;
Dalawampung aanihin, isang buong taong pagal.
Dalawampung isasabit, mga medalyang maingay,
At pagkatapos mabanggit, salapi naman ang alay.

Kung Best in Economics lang, Best in Lovelife na lang sana;
Kung mga sobreng puti lang, eh pag-ibig na lang sana.
Kahit isang parangal lang sa gabi’y matanggap ko,
Basta’t IKAW! Ikaw lamang, masaya na ang puso ko.

Aanhin ang pagkilala kung ang puso ko’y walang galak?
Iibigi’y ginto’t pilak? May tuwa ba sa palakpak?
Medalya nga’y nakasisilaw pero iba ang siyang hiling:
Ang dalangin ko ay ikaw, madama ang iyong piling.

Nakapanliligaw nga ba ang numero sa report card?
Sa puso mo’y pasado ba kapag marami ang awards?
Ito ang katotohanan, sadyang may’rong ibang bagay,
Anumang katalinuhan, sa’yo ay hindi ibibigay.

Ngayo’y magtatalumpati sa napakaraming tao;
Kamay ko’y di mapakali sa tuwa’t kaba ng puso.
Naroon ka nakatingin, nag-aabang ng salita;
Kilig, nerbyos ang damdamin ‘pag ikaw ang nagunita.

Ang mikropono ay hawak ngunit parang hindi sanay;
Nanginginig aking tapak; ang mata’y hindi mapalagay.
Puso ko’y ikaw ang hanap pero mata’y umiiwas;
Hiling ng puso’y ‘sang sulyap pero mata’y walang lakas.

‘Pag nakita ang ‘yong ngiti, ano ang aking gagawin?
Putulin ang talumpati? Hagkan ba’t may sasabihin?
Ito na naman ang torpe at muling nag-iilusyon,
Hindi naman nangyayari ang sa sarili ay misyon.

Matapos ang ilang kredo at mahabang mga awit,
Balot ng dilim ang mundo, pamamaalam ang sambit.
Lahat ay nagyayakapan, ‘di na magkikita muli.
May ilang nag-iiyakan, sa huling-huling sandali.

Marami ang bumabati, mga nakikipagkamay,
Pero nasa’n ang ‘yong ngiti, ang mag-aalis ng lumbay?
Simula ng seremonya, ikaw na ang nasa isip;
Gabi na at ang anyaya: puso ko ay ‘yong masilip.

Marami ang magkayakap sa gabing maghihiwalay.
Madama kaya ang sarap ng bati’t yakap mong tunay?
At sa pakikipagkamay, daliri mo ang siyang hanap,
Dahil tanging iyong kamay ang sa puso ko’y pangarap.

Hanggang ako’y may narinig, sigaw mula sa malayo,
Boses na siyang nananaig sa puso kong sumasayo.
Pangalan ko ang siyang banggit at akoy ay napangiti
‘Pagkat ang sa’ki’y sumambit, IKAW na siyang aking mithi.

Tumatakbo kang lumapit sa sarili kong tulala;
Kagalaka’y nag-iinit, hindi makapaniwala!
Ikaw nga! Ikaw nga iyan! Ang siyang aking asam-asam!
Ito na ang gantimpala – sa lungkot ko’y magpaparam.

Ikaw nga ay nakangiti na taos-puso ang saya,
Higit pa sa lenteng-ngiti, sa entabladong-ligaya.
At ako’y iyong niyakap ng mahigpit na mahigpit;
Ang gabing ito’y kaysarap, yakap mo’y walang kapalit.

Ako ay napatahimik, dinadama bawat saglit;
Sana oras ay tumirik ng malasap kanyang kapit.
Kung sana ay alam mo lang na ang yakap mo ay ginto
Sana’y marinig mo lang ang tinig ng torpeng ito.

3 comments:

Anonymous said...

panu na nian sa college? may tinig pa kaya acong mabasa?

It's KENNETH :] said...

depende sa mangyayari :) siguro :D haha

Anonymous said...

dba nasabe mo na rin skanya ung feelings mo? kaso huli na dba?