At sa wakas, natigil na ang kabaliwan ko sa paggawa ng tula tungkol sa pag-ibig. Napansin ko lang naman kasi na sumosobra na talaga ang pag-ibig na yan eh, nakakarami sa blog ko. Haha. Ayun, meron lang nakapagsabi, nakalimutan ko kung sino, si Paul siguro yun na marami pang mas mahahalagang bagay diyan maliban sa pag-ibig sa kanya.
OK! Yes! Ang “Batong Alipin” ay isang tula na nagpapakita ng kahalagahan ng pang-unawa. Sabi nga, bago husgahan, unawain muna natin kung ano ang nangyayari sa isang tao, kung ano ang pinagdaraanan niya. Dito rin, sinasabi na kailangan natin pahalagahan ang mga araw-araw na bagay sa paligid natin. Madalas minamaliit natin ang ibang bagay, pero hindi natin nalalaman na kapag wala sila eh napakalaking kawalan pala, hindi ba? Maliit man, malaki ang kahalagahan. It’s a matter of appreciation ika nga. :)
Nga pala, ang inspirasyon ay nanggaling kay Bianca. (super credits). Tinanong niya ako nung minsan kung para saan ba ang bato para sa akin, at doon ako napaisip. Woot!
Eto na, BATONG ALIPIN (da rak)
Pagmasdan ang mga bato, tahimik sa tabi;
Walang reklamo, walang sinasabi.
Siya’y naririyan, sa’ti’y nanonood;
Talambuhay natin, alam niya ang buod.
Siya lamang ang pader sa ating tahanan;
Siya lang ang pundasyon ng ating lansangan.
Mula sa liit niya, bayan ay yumaman;
Ano ba ang bato? Bakit sila nariyan?
Kasunod ng hangin, bato ang s’yang hari;
Ang ating paligid ay sa kanya yari.
Wala man s’yang tainga, pero siya’y nakikinig,
At sa abang anyo, kanya ang daigdig.
Siya’y nag-aabang, tulog man ang mundo;
Siya’y nariya’t bukas, lahat ma’y sarado.
Ngunit tayong tao, atin bang iniisip,
Maliit na bato, walang kahulilip?
Sa’ting unang tingin, ito’y walang kwenta;
Ang kanyang presensya, ‘di natin halata.
Sandal lang sa kanya, pagtapos ay iwan;
Bato, di ka man lang mapasalamatan?
Tinapakan na siya, siya’y nariyan pa rin,
Hindi umaalis, nagpapaalipin.
Ang lahat ng paa kanyang tatanggapin;
Masktan man s’ya, ang tao’y susundin.
Ang buhay ng bato, puro sakripisyo,
Puro paghihirap, walang benepisyo.
Ikaw ba’y ‘sang pipi, magpapatapak?
Kung siya ay tao lang, galit na’y sumulak!
Ang batong tahimik, kay dalas hamakin;
Kanyang tagong sakit, ‘di natin mapansin.
Sa pipi niyang anyo, siya’y nalulugami;
Sa kanyang sitwasyon, sinong iintindi?
Ating mga galit, s’ya ang tumatanggap;
Ating pagkamuhi, sa kanya ang hirap.
Higit pa sa martir ang kanyang pangalan;
Siya ay bilanggo ng kanyang katauhan.
Maghagis sa pader; kanyang babasagin.
Itapon sa ere; anyo’y hahatiin.
Hagis man sa dagat, kung saya ang hatid,
Kanya nang gagawin, anuma’ng masisid.
Ang batong alipin, bago man hamakin,
Sana’y unawain kanyang saloobin.
Mapalad din tayo at ating isipin,
Tayo’y naging tao nang Kanyang likhain.
:)
No comments:
Post a Comment