October 15, 2010

Isang Gabi, Isang Blog Post

Makati na naman ang aking mga daliri, tila ba naghahanap ng gustong gawin. Hindi na yata sanay na nakatambay ng matagal na walang ginagawa. Pinagod ng sandamukal na projects at exams nung unang sem, o marahil sa kakalaro ng o2jam sa kung kani-kaninong laptop. Napapiano ako sa lamesa, dinadrum ang kutsara’t tinidor sa plato at pindot ng pindot sa pader na wari ay may pintong de-code para pumasok. Baliw na yata ako.

Binuksan ko ang computer. Hindi na mapakali ang mouse pointer sa screen sa kakapaikot ko. Naghahabol yata ng keso ang mouse. Natuwa ako sa keyboard. Ang sarap pindutin. Pero habang tumatagal ay naiinis na ako dahil paminsan-minsan ay hindi kumakagat ang letter M at N. Matanda na kasi itong keyboard namin, sobrang gamit sa mga nagdaang projects, blog posts at liham na kailangang itayp at sa kaka-Dota ng kuya kong walang habas maging Godlike.

Nainip ako. Tila walang hanggan ba ang paghihintay ko. Inaabangan ko ang guard na umakyat dito sa kwarto ng tatay ko upang magcheck, hanggang sa mapagtanto kong wala na pala ako sa dorm. Lalo pa akong nainip. May tumulo. Pawis mula sa aking baba patungo sa aking damit. Napag-isip-isip kong mainit pala, hindi ko man lang nahalata habang maaga. Binuksan ko ang electric fan sapagkat walang magandang bentilasyon sa kwarto ng tatay ko kung nasaan ang kompyuter.

Pinihit ko ang switch sa likuran nito. Hindi sumindi. Hindi pala nakasaksak. Tumayo muna ako sandali at binuhat ang bentilador palapit sa saksakan. Sinaksak. Sinindihan. Biglang umingay sa tahimik na kwarto. Unti-unti nang nanggagalaiti ang aking daliri dahil sa hirap pindutin ng ilang letra sa keyboard. Dumagdag pa ang letter R. Sa sobrang inis, pinwersa ko ang pindot. Umalog ang buong computer desk at nahulog pa ang isa sa mga speakers mula sa itaas.

Ang daming laman ng utak ko. Nakakaasar. Parang gusto kong ilabas ngayong gabi. May problema. Wala akong kausap. Tulog ang tatay ko, wala na ang lahat ng tao dito. Alangan namang kausapin ko ang aso namin na sa ngayon ay nakatitig sa akin habang nakahiga sa kama. Nagtayp na lang muli ako, ngunit parang walang patutunguhan ang pagtatayp kong ito.

Maya-maya, may naramdaman ako sa aking paa. Nakiliti ako ng kaunti. Alikabok na dumaan. ‘Yan ang nasa isip ko. Nanatili sa aking paa ang kumikiliti. Alikabok na dumaan at napatigil. At sosyal na pala ang mga alikabok, may isip na at napapatigil. Sandali ay tumigil ako sa pagtatayp, tumingin sa aking mga paa at napasipa ng malakas. Ipis. IPIS! Napamura ako. Namura ko ang ipis na walang masamang intensyon kundi mangiliti. Namura ko ang ipis na sana man lang ay nagpaalam bago halayin ang aking paa.

Umalog muli ang computer desk. Ballpen naman ang nalaglag. Kasama ng ballpen malaglag ang aking panga, na napanganga sa sobrang sakit ng pagkakasipa ko sa desk at sa pagmumurang binigay ko sa walang pakundangang ipis. Bumalik na lang ako sa aking pagtatayp.

Matagal ko na palang hindi nauupdate ang blog ko ng matino. Wala ng bagong tula sapagkat mahirap maghanap ng inspirasyon sa gitna ng pagkabagabag ng utak mo sa grades mo ng first sem. Mahirap singitan ng konsentrasyon at oras ang mga pangyayari sa mga nakaraang buwan. Napaisip tuloy ako kung ano ang magandang paksang pwede kong ilathala sa blog ko ngayon.

Hindi ko namalayan, eto, nagtatayp na pala ako. Nawili na yata ako sa pagtatayp ng kung anu-ano. Pero napapaisip pa din ako ng magandang topic – ng mas magandang topic dapat. Medyo lugi na kasi ang blog ko at wala ng bumibisita.

Kumurap ang bumbilya. Ito na naman. Nagbabanta na naman ang dakilang brownout. Takot ako sa dilim, at kailanman ay hindi ko pinangarap ang brownout. Kumurap muli ang bumbilya, at ngayon, kasabay na niyang kumurap ang electric fan, (at aba, kumukurap ang electric fan?) at dahil doon ay napa-ctrl+s na ako, o sa madaling salita, SAVE.

Malaki na ang trauma ko sa ganyan. Nagtayp ka ng isang mahabang nobela, isang research paper, o isang dakilang powerpoint presentation na nagliliparan na ang mga letra sa labas ng screen dahil sa kaartehan sa animations, at biglang nagbrownout. Ang sarap tumunganga sa harap ng monitor mong nangingitim ang screen at sabihin sa sarili mong hindi mo na-save. Ang sarap titigan pa ang screen na sa gitna ng itim ay pilit mong hinahagilap ang file mong pulbos na sa ere. Sunod ay sisigaw na ang babae sa internet cafe, “oh out na, magbayad na, wala ng kuryente!” na ang akala ay lahat ng tao sa shop nila ay naglalaro lamang at mga walang pake sa mawawala sa kanila kung nagbrownout. Ito, bayad naman at uwi ng luhaan.

===

Napangiti. Natuwa naman ako sa pagreminisce ng past sa pagrenta ng computer sa internet shop. Maya-maya ay napansin ang calculator at kaunting papel na maraming sulat-sulat sa harap ng monitor. At aba, may nag-aaccounting na rin yata dito? Nawili ako sa calculator. Ang liit. Namiss ko tuloy ang aking scientific calculator na pagala-gala sa dormitoryo.

Tinignan ko ang papel. At aba, accounting nga. Dolyar pa ang kinokompyut. Namangha naman ako sa nagkokompyut nito, dahil libo-libong pera ang nakataya sa mga computations dito. Sulat-kamay ng nanay ko ang aking nakikita, at nagtaka ako kung anong dolyares meron ang nanay ko.

May mga salita sa baba, at ako ay napangiti na abot hanggang tigyawat sa pisngi. Mga recipe na tunog pamilyar kapag binasa, pero malayong malayo sa panlasa. Para bang narinig ko na dati pero hindi ko pa natikman. Binasa ko pa. Gulay naman ang aking nabasa. At aba? May bulaklak, prutas at kung anu-ano pa? Bahay-kubo yata na exotic ang mga halaman.

Alam ko na ang kahulugan kung bakit ako napangiti. Nanay ko nga pala ay dakila ng alagad ng Zynga, ang developer ng mga larong Farmville at Cafe World. Nalamangan na nga ako ng nanay ko sa Farmville sa tiyaga niyang maging haciendera. Level 60+ na yata siya sa kwento niya sa akin bago siya umalis.

Naalala ko tuloy nung naglalaro pa ako ng Farmville. Hindi ko talaga akalain na nakapag-aksaya ako ng napakaraming oras. Nagsimula sa pagkaadik ko sa Restaurant City, hanggang sa lahat ng uri ng nakapanununog-oras na laro ay pinatulan na. Tumatalong aso hanggang kalangitan, tira-tira bola na parang zuma, tanim-tanim at luto-luto, bahay-bahayan, at pagtayo ng imperyo. Ang dami ko palang sinayang na oras na sana ay ginugol ko na lang sa pagbilang ng buhok ko, baka doon ay may napala pa ako.

===

O yan, ang haba na pala ng naitayp ko. Pwede na pala itong blog post. Oha oha. Sa simpleng daldal, may pangblog na. Sige, magandang gabi. Magfafacebook na ako XD Yeeaah. Tapos na magtayp. :)

No comments: