Si Ambo
Kwento ng isang lalakeng umiibig sa isang tricycle driver
Tula ni Kenneth Manuel
Ang araw nga’y palubog na,
Kumakagat na ang dilim;
Mga bumbilya’y sindi na,
Bituin sa dagat ng itim.
Naglalakad na pauwi,
Pagod sa mga aralin
Ngunit loob ay ‘di sawi
Dahil siya’y kikitain
Ang pangalan niya ay Ambo,
At kami ay magtatagpo;
Habang trike niya’y tumatakbo,
Tabi kaming nauupo.
Nakatutok siya sa daan
Para bang merong karera;
Ititigil ang sasakyan
Kung sa’n ako nakatira.
Ambo ang sa kanya’y bansag
Ng mga kapwa driver n’ya
Sa toda, ang tanging dilag,
Namumukod ang ganda n’ya.
Driver lang s’ya sa paningin,
Pero sa aking isipan
Ay kaysarap niyang dalhin
Du’n sa altar ng simbahan.
Akin siyang kikitain
Kahit hindi man n’ya tanto;
Patuloy siyang mamahalin
Kahit hindi man n’ya gusto.
Ako ay nag-iilusyon
Na akin ang puso niya –
Isang pagsintang piksyon,
Isang nobelang pantasya.
Sa malayo’y naghihintay
Para lang aking masakyan
Traysikel n’yang nakahanay
Sa kantong naging sakayan;
Nakangiting nakatitig
Sa bawat kilos niya’t galaw,
Puso ko ay pumipintig
Sa isang patagong tanaw.
Nasa dulo na ng pila
Ang trike niya na makalangit,
Dali-dali at sumigla
Walang sinayang na saglit,
At wala pang isang kurap,
Ako ay nakangiti na
Tumungo sa kanyang harap,
Bumati ng “kamusta na?”
“Aba! At ikaw na naman?”
Ang sa akin ay bati n’ya,
“Pagkakataon nga naman,
Kailanma’y ‘di pumapalya!
Tara na at sumakay na;
Sige, ngayon, libre kita.
Oh, ayaw mo? Edi ‘wag na!
Maglakad ka na papunta!”
Ako’y lalong napangiti,
‘Di dahil sa kanyang biro
Mula sa kanyang pagbati,
Puso ko na’y naglalaro;
Nagmabilis na’t sumakay
Alinsunod sa sabi n’ya;
Puso ko’y sumasabay
Sa ingay ng tambutso n’ya.
Gabi-gabi ako’y sakay,
Sa kanya ako’y suki na.
Ang biyahe patungong bahay,
Huwag ng matapos sana;
Sa porma n’yang mamasada,
Sa ngiti n’yang pantunaw,
Sa natatangi n’yang ganda,
Siya lang ang nangingibabaw.
S’ya lang ang para sa akin
Kahit s’ya ay drayber lamang;
Sa toda’y magpapakain,
Siya’y makatuluyan lamang!
Buong kalye’y magdiriwang
Sa araw ng aming kasal;
Hindi ito pangarap lang,
Ito ay desisyong pinal!
“Huy! Baka matunaw ako,
Kung makatitig ka sa akin!
Wala na ba mukha ko
At natunaw na sa hangin?”
Biglaang pabirong banat
Nang kanyang mahalata
Na tingin ko’y nakalapat,
Malagkit sa kanyang mata.
S’ya’y nakangiti sa akin
Kahit pa ako’y nabuking;
Tila may ibig-sabihin
Mga mata n’yang kay ningning.
Ako ba’y namumula na?
Ano ba ang nalaman n’ya?
Puso ko ba’y nabasa na?
Ano ang nasa isip niya?
Ako ba’y magtatapat na,
Pag-ibig ko’y ihahayag?
Gagawin ko’y tama sana,
O, ‘di ako mapanatag!
Ambo, hindi ko na kaya;
Ako’y bulkang sasabog na!
Ano ba ang aking pasya
Sa bugtong nitong tadhana?
“Baka gusto mong bumaba,
Nakatulog ka na yata?”
At sa aking sobrang kaba
Hindi ko na nahalata,
Biyahe ko pala’y tapos na,
Ubos na pala ang oras;
Pagkakatao’y wala na,
Heto’t aking pinalampas.
“Ambo, ito ang bayad ko,”
Akin na lamang nabanggit.
“’Di ba, libre na, sabi ko?”
Kanya namang pangungulit.
At hawak ang pambayad,
Kinuha ko kanyang kamay,
Akin sanang ilalahad
Ang puso kong iaalay.
Ngunit sa aking paghawak,
Ako’y may naramdaman –
Singsing na gawa sa pilak,
Suot sa palasingsingan.
Sarili’y ‘di napigilan;
Pangarap ko’y lumisan:
“Ikaw ay iimbitahan,
Ako ay papakasalan!”
No comments:
Post a Comment