Tinig ng Torpe II
Masakit na Masarap
Sumisigaw aking puso, ngunit walang dumidinig,
At sa aking pagtatago, dilim ang s’yang naniniig.
Lungkot ang s’yang sumasakop sa puso kong nag-iisa;
Bakit nga ba nagpasakop? Bakit ba nag-iisa?
At ngayon ika’y titingnan na puno ng kagalakan
Ngunit ang aking isipan ay may pinagsisisihan;
Sayang lang ang aking oras kung ako’y hindi kikilos,
Sa pag-amin ay iiwas, mga araw inuubos.
Ako ay sasama sa’yo saan ka man paroroon,
Gaano man ‘yun kalayo, anuman mga panahon;
Ika’y aking tatabihan, bumagsak man ang mga tala,
Magpahanggang kamatayan, pag-ibig ko’y walang sala.
O bakit ba ang pag-ibig, masakit habang masarap,
Nakapapaso sa bibig, pero saya ‘pag nalasap?
Marami ang tumitikim, marami ang sumusubok,
Ang sakit ay iaatim para ang puso’y tumibok.
Maraming luha’ng tutulo; ang mundo ay hahagulhol,
Pagtatalo’t pagkatalo sa pag-ibig na masahol;
Nag-uumapaw sa sakit ang sarap ng pagmamahal;
Ang pighati ay kapalit ng kasiyahang bubukal.
Tuwing makikita kita sa dantay ng ibang tao,
Ang puso ay nasasaktan, ang loob ay kumukulo;
Nakangiting nakasandal sa balikat na ‘di akin,
Tila ba sakal na sakal ang pusong mapanibughuin.
Ngunit sa aking isipan, may tanong na naglalaro;
Ano ba ang karapatan magselos ng ‘sang tulad ko?
Isang sampal na mahapdi sa pagmumukhang makapal,
Ano ba ang magagawa, e iba ang iyong mahal?!
Masakit nga kung titingnan na ‘ka’y sa kamay ng iba,
Sa akin din ang kasalanan, sa iyo ako’y sino ba?
Kaklase at kaibigan, kasa-kasama paminsan,
At hanggang doon na lamang ang pagsasamahan.
Pero bakit nakangiti ang mukha kong may hinagpis?
Hindi nagdadalamhati sa likod ng sobrang inis,
Bagkus ay nasisiyahan sa tanawing nakikita,
Ano ba’ng napagmamasdan at natutuwa ang mata?
Mga mata mo ay perlas, mas makinang pa sa ginto,
Ngiti mo ay lalabas, sino ang ‘di mahuhulog?
Kahit iba ang kasama, makita ka lang masaya,
Kagalakan nadarama kahit ‘di ramdam ‘yong yakap.
Kapag ika’y pumapasok sa isipan kong magulo,
Ako ay mapapalunok, mapapahawak sa panyo,
Mapapakapit sa buhok, sabay isip ng malalim,
Sa sarap na inaalok, sa katumbas nitong dilim.
Bawat alaala mo ay isang kurot na mariin,
Paghihinagpis ang bigay sa isipan at damdamin;
Sa oras na nasasayang, sa oras pang sasayangin,
Ang nakapanghihinayang, ‘di ko pa kayang sabihin.
Bawat alaala mo rin hatid ay sobrang ligaya:
Mga gunitang sa atin, mga araw na kaysaya,
Ang ating pagsasamahan, mga kwento mo sa akin,
Lahat ay nasa isipan, tinatago ng damdamin.
Lahat ng litrato natin, aking tinitingnan lagi,
At doon sa bawat tingin, sa isipa’y sumasagi,
Just edit sa’king Photoshop kapag sumapit ang gabi,
Pagkaraan ng ‘sang iglap, kami na ay magkatabi!
Lahat ng ‘yong alaala hatid ay sakit na sarap,
Hinanakit na ligaya, pagdurusang alapaap;
Ewan ba sa’king sarili at kaytagal nagtitiis
Na ang pagsinta’y ikubli at mag-isa na tumangis.
Sana sa daigdig na ‘to, lahat ay pwedeng sabihin
Nang sayo’y walang babato, bagkus ika’y pupurihin,
Pero ang pasya ng mundo sa’king pagsinta sa iyo,
Ikimkim lang at itago hanggang sa ika’y lumayo.
Sino nga ba ang nagsabi na ito’y ‘di pwede’t bawal?
Wala! Walang imposible sa lalaking nagmamahal!
Uunahin ang pag-ibig sa sariling kapakanan,
Ang torpe ay nadidinig ng buong sangkatauhan!
Pero ang pagkakaibigan, siguradong masisira,
Kaytagal pinaghirapan, bigla na lang mabubura?
Roleta ng tadhana ko, ano ba ang pipiliin,
Kaibigang sigurado, kasintahang alanganin?
Kayhabang pagsasama ang nakasaalang-alang;
Isang taong mahalaga, magagalit, maiilang.
Aamining pagmamahal, kapag hindi mo tinanggap,
Sa iyo ay isang aral na lumayo sa’king yakap.
Ako’y tatahimik na lang, pagmamahal ikikimkim,
Para ako’y ‘di lubayan, makalapit pa ng lihim;
Ngayo’y sasamantalahin, pagkakaibigang ito;
Bawat sandali’y dadamhin habang tayo’y magkatoto.
‘Pag sinabi ko sa iyo ang nararamdamang ito,
Baka ako’y iwasan mo at iwang durog ang puso,
Pero sa pagkakaibigan, tayo pa’y nagkakatabi,
Ika’y nakakabiruan, mga gusto’y sinasabi.
Ang pagmamahal kong tunay, napakasakit itago,
Pero ngiting iyong bigay, sa mundo ko’y nagpabago.
Dahil sa tinig ng torpe, akin ngayong nalalasap,
Dumudugo, humahapdi, ang masakit na masarap.
No comments:
Post a Comment