Tinig ng Torpe III
Mga Palamuti’t Pangarap
Ang kampana ng simbahan, tayo ay ginigising na
Pagkat ngayo’y kapaskuhan at sasamba ang balana;
Sa gitna ng kasiyahan, ako’y naiwang mag-isa:
Mukha mo’y nasa isipan, patuloy na umaasa.
Malamig na ang amihan; Pasko na nga’y naririto;
Sana ikaw ay mahagkan, sa gitna ng lamig na ‘to.
Tayo ay sabay hihigop ng umuusok na sabaw,
At sa iisang talukbong, tayo’y iinit sa ginaw.
Sa labas ay may bibingka, bagong luto at mainit,
Ngunit iba kapag yakap ang sa iyo’y humihigpit;
Wala ng ibang panlaban sa gabing malamig
Kundi init sa katawan ng nag-iisang pag-ibig.
Isang laro sa mga mata ang kulay ng banderitas:
Matitingkad at pambata, isang obra sa itaas!
Pero ang kulay ay kulang para ang puso’y matuwa,
Sa mata mo ay sulyap lang, buong buhay, di magsasawa!
Simbang gabi’y bubuuin kung ikaw lang ang kasama;
Probinsya’y ‘di iisipin, hawak mo lang ay madama.
Sa kaarawan ni Kristo, ang tangi kong panalangin,
Kung magtapat ang torpeng ‘to, sana ay iyong sagutin >:]
Pero kailan magtatapat ang takot at torpeng puso,
Taon na ay mag-iiba’t magpapalit na ng uso.
Bago yata magsalita, pundido na’ng mga bituin,
Ang tinatagong pagsinta, kapag nahuli’y aanhin?
Kumukuti-kutitap na, wari’y mga alitaptap,
Mga pampaskong bumbilya, tila langit ay natatap;
Gumagapang, patay-sindi, sari-saring mga takbo,
Nagliliwanag sa gabi, mga mata’y nililito!
Pero Pasko ay madilim kung ika’y wala sa tabi;
Ngiti mo ay nagniningning, ang tanging ilaw sa gabi.
Sanlibo man ang Christmas lights, tuwa’y ‘di maaaninag,
Dahil sa aking Silent Night, ikaw lang ang siyang liwanag.
Punung-puno ng palawit ang mailaw na krismas tri,
Mga bola’y nakasabit, garland, pinecones at reindeers din.
Ang iyong larawan sana, isasabit ko sa puno;
Sa paskong ako’y ulila, ikaw pari’y nasa puso.
Ayon sa Banal na Aklat ay isinilang si Kristo,
At dahil sa sila’y salat, at sakay lamang ng asno,
‘To’y nangyari sa sabsaban, kasama ang mga hayop;
Ligtas ang sangkatauhan, tayo ay napagkaloob!
At kahit saan nga naman, mapasabsaban o kalsada,
Tunay na pag-iibigan, anumang lugar ay ramdam.
Basta’t ikaw ang kasama, saanman ay tutunguhin,
Lahat ng daana’y magiging paraisong hardin!
Ayon pa sa kasaysayan, isang tala ang gumabay,
Sa tatlong may nalalaman sa pagsilang ng Messiah,
At kanila ngang narating ang bagong silang na sanggol,
Na payapang humihimbing para magbigay ng handog.
Wala ng ibang bituin ang sa akin ay gagabay;
Ikaw lang ang mamahalin; puso ko sayo ay alay.
Ikaw ay aking susundan, tungo ko ang iyong puso;
Ang tala sa kalangitan sa gabi ng aking Pasko!
May kakatok sa pintuan at magsisimulang kumanta
Para lang aming limusan, aawit ang mga bata;
Minsan aking naiisip na pagbukas ko ng pinto,
Sana ika’y nakasilip, sa harap ko’y nakatayo.
Wala ng mas tatamis pa sa boses mong makalangit;
Tunay kong ikatutuwa ‘pag ngalan ko’y ‘yong mabanggit;
Kumatok ka lang sa amin at bukas ang aming pinto,
Ikaw ay patutuluyin, ibibigay kahit ano.
Ako naman ang kakanta, mangangaroling sa’yo,
Hiling ko’y iyong pagsinta, mapasaakin puso mo.
Ang salapi’y di kailangan, nasa ko’y ang iyong ‘oo’;
Pagmamahal ko’y suklian, ibigay mo ng pamasko.
Aanhin ang sobreng pula, aanhin ko’ng mga kahon,
Kung ikaw naman ay wala, kasiyaha’y mababaon?
Ang hiling ko ngayong Pasko, walang iba kundi ikaw,
Sana ako’y may regalo, Pasko ko’y bigyan mong ilaw.
Santa Claus, ikaw ba ‘yan at ako na ay hihiling?
Wishlist ko na ay lalagyan ngunit hindi pupunuin,
Tanging ang iyong pangalan ang isusulat sa papel;
Sana ngayong kapaskuhan, ako ay magdilang-anghel.
Sa gitna ng palamuti, ako’y muling nangangarap,
At sa hiling kong mumunti, nawa ay aking malasap
Ang pag-ibig ngayong Pasko, yakap sa gitna ng lamig,
Kasiyahan sa aking lungkot, kalma sa gitna ng nginig.
Ang Pasko ay pag-ibig daw, panahon ng pagbibigay,
Pero tapos na ang araw, ako’y puno pa ng lumbay.
Ako sana’y isang parol, nag-iilaw at makulay,
Sa isipa’y walang gulo, masaya sa kanyang buhay.
‘Yan na ang mga paputok, nariyan para mag-ingay,
Sa pagmamasid sa usok, sa puso ay mayrong aray;
Habang nagkakatuwaan ang buong mundo sa Pasko,
Narito ako’t luhaan, nakaluklok sa may bangko.
Sisindihan ang kandila, aking malamlam na ilaw,
At sa aking Noche Buena, laman ng isip ko’y ikaw.
Ito ang tinig ng torpe, at sa Pasko’y aking hiling,
Magtapat ang aking labi at ikaw na’y makapiling.
No comments:
Post a Comment