Biglang kadiliman. Wala kang makita. Nangangapa ka na tila walang pupuntahan. Naghahanap ng kahit mumunting ilaw. Ano ang nangyari? Oo, nawalan ng kuryente. Brownout ika nga.
Nawalan ng kuryente? Sabi nga nila, kailanman ay hindi nawawalan ng kuryente. Ang kulit natin, ang kuryente, sabi ng Physics teacher ko eh palaging nariyan; ang nawala lang daw eh ang tinatawag niyang electric current o ang daloy ng kuryente. Hindi ko pa rin gets kung ano ang tungkol doon, pero dahil siya ang teacher ko, naniniwala ako.
Bakit din brownout? Ano ba ang kayumanggi sa kadilimang iyon? Wala nga akong makitang kulay, kayumanggi pa ang tawag. Buti na lang isang araw at tumambad ako sa CNN, masyado kasing boring ang mga oras ko sa tahanan kaya pati international news channel pinapatulan ko na. Blackout, sabi sa headline nila, at hindi brownout. Kumawala ang kadiliman, blackout – oo, at hindi brownout. Sadyang makulit lang tayo.
Masisisi mo ba ako, e pinalaki akong mulat sa brownout. Ang tanging akala ko lang sa blackout eh kapag nabutas o nashade mo na ang lahat ng numero mo sa bingo card, tapos mananalo ka ng pera.
Ito ang pinakaayaw kong nangyayari sa buhay ko. Mangyari na ang lahat huwag lang ang biglang mawalan ng kuryente (o electric current man). Napakabastos kaya, may ginagawa ka bigla kang papatayan ng ilaw? Kung sinuman ang nag-imbento ng brownout na yan, napakawalang modo niya.
At iyan nga ang paniniwala ko dati noong ako’y wala pang muwang, na ang pagpatay sa ilaw ng bawat ng tahanan e parang switch lang ng ilaw sa bahay – isang pindutan lang at madilim na sa buong Pilipinas. Hindi ko man lang naisip nun na may posteng tumutumba, linyang napuputol o transformer man na sumasabog. Naghahanap ako ng sisisihin sa pagkakaroon ng brownout.
Kapag malakas ang hangin, kadalasan may brownout. Mukhang takot yata sa hangin ang electrons na dumadaloy sa mga kawad ng kuryente. Kapag malakas din ang ulan, wala ring kuryente. Napapatanong tuloy ako minsan, ano ba ang meron sa kanila at walang kuryente.
Ayaw ko talaga ng brownout. Nakakaasar. Napakainit. Napakalagkit sa pakiramdam. Lalo na kung maghapon walang kuryente. Wala kang mahanapang lugar para maging presko, dahil maging labas ng bahay eh niluluto ng araw. Kahit anong hubad ko, tila ba parang may kumakapit sa akin sa init. Naroon ang pawis na kung umagos sa balat mo eh parang may sapa sa tuktok ng ulo mo.
Napakalaking perwisyo. Walang TV. Paano na ang paborito kong palabas? Kapag lang mayroon akong hindi nasubaybayan na isang episode, papatayin ko na ang imbentor ng brownout. Reklamo din yan ng nanay ko, baka daw namatay na raw ang pinakaayaw niyang kontrabida sa mga telenovela.
Malas pa lalo kung hindi nakapagcharge ng cellphone. Ang brownout kasi madalas walang pasabi, bigla na lang darating – isang bisita na kailanman ay hindi mo winelcome pero pilit na dumarating. Nakakainsulto hindi ba? Maiiwan ang katext mo mag-isa kapag naglow batt ka na, at hihintayin mo pa ang natutulog na kuryente na magising bago ka ulit makapagreply. Ang sarap batuhin ng cellphone nun, kasi nagkakuryente na kung kailan tapos na ang unli.
Wala ring computer, at ito ang pinakaayaw ko. Ang nanay ko tumatalak, ang hacienda daw niya ay hindi na raw niya napapangalagaan dahil sa kawalan ng kuryente. Kailan pa siya nagkaroon ng hacienda? At anong konek naman ng kuryente sa pangangalaga ng hacienda? Yun pala Farmville.
Tulad ng nanay ko, ganyan din ako, may nilalaro sa Facebook (hindi nga lang Farmville dahil napakaboring nun, ang korni pa ng background song). Kailangan balikan sa takdang oras, kundi maeexpire, masspoil, magugutom at malulugi. Panira nga naman ng plano ang brownout.
Ito pa, kachat mo ang crush mo, biglang mawawalan ng kuryente. Hindi ba naman yun panira ng moment. Yun bang tipong kinikilig kilig ka na, tapos nakita mo “crush is typing...” sabi ni YM. Sabik ka sa sasabihin niya, iyan na, napapakagat ka na sa labi mo, ang mata mo nakatutok na sa monitor at handang-handa ka ng ngumiti sa sasabihin niyang sigurado eh napakaganda. Tapos biglang mangitim ang monitor. Wala ka ng makita. Wala na ang message niyang inaabangan mo. Ang masaklap pa, ang litaw sa crush mo eh iniwanan mo bigla.
Makapamwisit talaga. Dahil pa sa El Nino ngayon, kailangan kong danasin ang mga perwisyong yan araw-araw. Rotating brownout ika nga, dalawang oras sa amin, magsimula alas kwatro ng hapon. Pero buti ito, may pasabi naman kahit papaano, pero perwisyo talaga.
Siya nga pala, bakit ko nga ba ito naisulat? Kasi gabing-gabi ba naman biglang namatay ang ilaw dito. Hmpt.
At ito ang pinakaayaw ko talaga pagdating sa mga brownout, ang tumitiyempo sila ng gabi. Maliban sa perwisyo, nakakatakot. Napapangunahan ang inis mo na namatay ang ilaw sa takot na may makita kang kakaiba sa dilim na hindi ka sigurado. Iba kasi kapag may ilaw, nakikita mo ang mga bagay, hindi katulad sa dilim, puno ng walang kasiguraduhan, at nandiyan pa ang epekto ng mga horror movies sa isipan nating lahat, ang imahinasyon natin na may dadaang multo habang tayo’y naglalakad – nagliliwanag. Haha.
Ayun, at kinilabutan lang naman ako habang tinatayp to. Haha. Naiimagine ko kasi na biglang mamamatay ang kuryente at magdidilim ang monitor, mag-iiwan ng nakakatakot na mukha sa gitna ng kaitiman ng screen. Tapos, kahit brownout na eh tumutugtog pa rin ang radyo, yung tipong pangmatanda pang kanta. Hanggang sa may nakikita na akong nakatayo. Humahangin. Tapos parang may sound na the grudge ang dating. Asar nga naman ang mga horror movies, kahit tapos na ang palabas eh naiiwan ang takot.
Pinakamalas nga naman kapag abutan ka ng brownout sa banyo, habang naliligo. Yung tipong napakasikip ng lugar at baka may katabi ka na bigla sa iyong pagligo. Iba kasi ang pakiramdam kapag nakahubad, parang napaka-prone mo sa lahat ng panganib. Maliban sa kailangan mong pag-ingatan ang buhay mo, pati kabuhayan mo, dagdag pa.
Hindi ka naman pwede tumakbo agad, kasi basa ka. Hahagilap ka pa ng tuwalya. Eh papaano pa kung nasa mabula ang iyong katawan? Babanlawan mo pa syempre bago ka kumaripas ng takbo palabas. Mahirap talaga. Naka-lock pa man din ang pinto ng banyo para walang pumasok, at sobrang dilim tuloy.
At dahil madilim, kailangang magsindi ng kandila. Dito lang yata ako natutuwa kapag walang kuryente. Kadalasan, hanapan pa ng kandila, pati lighter ba naman eh nawawala. Tapos yun, kapag nakasindi na, para akong isang boy scout sa bonfire, nakatulala at nakapaikot dito.
Iba ang tuwang nadadala ng paglalaro ng apoy. Ang sarap sunugin ng mga papel. Paborito kong sunugin yung posporo, kasi lumiliyab pa ng malakas, parang may huli pang paghihiganti. Ang papel kasi delikado, mabilis kainin ng apoy. Nakakatuwa pang padaan-daanin yung daliri mo sa apoy, kunyari ang lakas lakas mo, ang tapang mo at hindi ka takot sa paso, pero yun pala, dinadaanan lang. Ganyan kasi nung bata ako, kuya ko nagmamayabang nahahawakan daw niya yung apoy, at ako naman eh takot na takot dahil baka mapaso. Buti na lang at mulat na ako.
Nagwawala naman ang mga tao kapag nagkaroon na ng kuryente. Lahat ng nasa labas e biglang mag-uuwian, lahat ng tulog eh babangon at lahat ng kasipagan na dala ng brownout e babalik sa katamaran na dala ng TV, cellphone at computer. Parang piyesta nga kapag nagkapower, ang daming natutuwa, may mangilan-ilan pa ngang sumisigaw. Pero imbes na ang piyesta ay gawin sa labas, nawawalan pa nga ng tao at tumatahimik ang lansangan pagkatapos.
Ugali ko na makikipag-agawan sa mga kapatid ko. “Ako ang papatay ng ilaw!” sabi ko, tinutukoy ang mga kandilang nakasindi. Pero bago yun, mayroon akong isang mumunting orasyon, kakanta muna ako ng Happy Birthday. Kasi tuwing birthday ko wala mang cake, at dahil dun walang kandila akong iihipan. At least man lang kapag brownout, maranasan ko mang humiling bago umihip sa kandila. Hanggang sa napapagalitan na ako dahil natutunaw na ang kandila eh hindi pa rin tapos ang kanta ng happy birthday ko at ang pag-iisip ng hihilingin.
At ito ang kwentong brownout ko, blackout pala.
No comments:
Post a Comment