Tinig ng Torpe V – Ulila ng Init
Nagbabalik ang tula ng torpe ulit. 40 na araw matapos ang aming pagtatapos at matapos din ang aking kaarawan, ito muli ang torpe at gumawa na naman ng tula. Sa mga nakaraang araw, labis-labis tayong naperwisyo ng sobrang init, at syempre, pati ang mga torpe naiinitan. Ngunit, hindi bentilador o aircon ang nasa isip ng torpe, kundi ang babaeng kanyang iniibig pa rin. Ang TnT5 ay tungkol sa pag-iisa ng ating torpe sa kanyang mahabang summer vacation, at ang kanyang patuloy na pag-asa sa kanyang pagmamahal.
Naglalagablab ang araw sa bughaw na kalangitan;
Mga tao’y nauuhaw; tuyo na ang kaparangan.
Kahit minsang nanalasa, ulan ngayo’y hinahanap;
Ulan ang naging pag-asa sa gitna ng paghihirap.
Ikaw nga ay parang ulan; sa puso ko’y inspirasyon,
Nagbibigay kasiyahan, sa lupang tuyo’y nutrisyon.
Kahit munting ambon mo lang, bahaghari’y bumubukal;
Hatid mo’y walang pagsalang kagalakang tumatagal.
Subalit parang ulan din na kapag biglang nawala,
Hirap ang siyang daranasin, sa init ay ‘sang ulila.
Ang lupa ay matitigang; wangis niya ay mabibitak;
Damong luntian ay bilang sa buhanginang malawak.
Bakit ba ang mga bagay kapag sa ati’y wala na,
Tayo’y sadyang hindi sanay at saka lang alintana
Mga oras na sinayang na dapat siya ay kasama,
Meron ngang panghihinayang ang sa puso’y nadarama.
Tila ba kapag nawala ay saka lang hahanapin;
Tila ba kapag may sala, saka lang ang paumanhin;
Tila ba pag ‘ka’y malayo, saka lang gustong umamin,
Sabihin na ako’y sa’yo at ikaw ang iibigin.
Sana nung ika’y nand’yan pa, ako sayo’y tumatabi,
Itayo ka ‘pag nadapa, bigyang ngiti ang ‘yong labi.
Kayrami kong inaksayang pagkakataon ko sa iyo;
Mababawi ko pa kaya mga linggong lumalayo?
Ang init nga ay parusa sa marami araw-araw,
Nakakawalang pag-asa, nakadudulot ng uhaw.
At maghahanap ng tubig o kaya’y masisilungan,
Ngunit hanap ko’y pag-ibig, ang ikaw ay maramdaman.
Ikaw ang pamatid-uhaw sa puso kong nahahapo,
Sa damdaming umaapaw na mukha mo ay mahipo,
At isang baso nga lamang ng pagmamahal mong tunay
Ang siyang tanging magsisilang sa akin ng bagong buhay!
Ang buong mundo ko ngayon ay nagmistulang disyerto;
Tuyo sa ‘yong inspirasyon, sa yakap mo’y batong-bato.
Kaytagal nang gustong hagkan at nagyo’y hindi magawa,
Kahit man lang masilayan at hindi na magsasawa.
Ayaw ko ng walang pasok, sa bahay ay nababaog,
Sapagkat ang tanging tibok ng puso ko’y natutulog.
Hanggang larawan mo na lang ang sa tingi’y tutunawin;
Nangangarap mahalikan, nananaginip haplusin.
At kailan ko kaya muli makikita ang ‘yong ngiti?
Kailan ulit ang sandali na ako’y bigyan mong bati?
Kapag nga naman bakasyon, tunay ngang napakalungkot,
Lalo’t aking inspirasyon, malayo’t ‘di ko maabot.
Ako nga’y isang ulila ng init ng iyong hawak;
Puso ko’y nawawala sa katuyuang malawak,
At ikaw ang aking hanap, ang tanging daang palabas
Sa nararanasang hirap, sa’king kawalan ng lakas.
Tuwing pagsikat ng araw, ako’y babangon sa kama.
Ako ay biglang sisigaw ‘pagkat oras ay ‘di tama.
Huli na para sa klase at hindi man lang ginising;
May dagdag na namang bente sa’king mahabang bayarin.
Dali-dali sa kusina na may dala-dalang ngiti;
Oras ay ‘di alintana, mahuli man ay mabuti.
Makikita pa rin naman ng mata ko ang ‘yong mata;
May pag-asa pang mahagkan at sayo’y magpahalata.
Subalit matitigilan at biglaang tatahimik,
Dito sa katotohanan, ako ay maibabalik.
Wala na nga palang pasok; wala na ang kasabikan.
Tila tumakip ang usok sa iyong tanging larawan.
Mananatili sa bahay at ikaw ang iisipin
Na sana’y nasa ‘yong dantay nang init mo’y aking damhin.
Hanggang hapon ay tulala, lasing sa ‘yong kagandahan,
At ang iyong alaala, tanging laman ng isipan.
Sa kalangita’y titingin, nag-iisa sa may init;
Araw ay kakausapin ‘pagkat ulo’y nag-iinit.
Sa tanaw ay walang ulap, walang haharang sa araw,
At kahit ni isang iglap, ang lamig ay ‘di dadalaw.
Labi ko ay nanunuyo; balat ko ay napapaso;
Pawis ay ‘di na matuyo, tila higit pa sa gripo.
Kung ika’y kasama lamang, init ay hindi na pansin,
‘pagkat tanging kasiyahan ang hatid mo sa damdamin.
Hindi ko na kakayanin na lumakbay pa sa init;
Hindi kayang kalabanin panahong napakalupit.
Hawakan mo aking kamay, hilain mo ko pataas;
Sa panahong nalulumbay, sa’yo ngiti’y magwawagas.
Bigyan mo ako ng tubig na umaapaw sa iyo;
Bumubukal na pag-ibig ang tatapos sa tagtuyo.
Ang init ng pagmamahal sa puso mo’y dumadaloy,
Pagdurusa’y matatanggal, pagsinta ay mag-aapoy.
Ngayon ako’y nag-iisa, sa init walang kasama;
Sa iyo ay umaasa na minsan ika’y madama.
Ngunit anuman ang dusa, sayo’y hindi magsasawa;
Sugatan man at balisa, iwan mo man akong kawawa.
Ito ang Tinig ng Torpe, aking sigaw ng pag-asa,
Masakit ma’t naaapi, puso’y iibig ng kusa.
Mahahapdi man ang sinag, init man ay sumasampal,
Ikaw ang aking kalasag; ikaw lamang ang siyang mahal. XD
1 comment:
>>dre pwede ko ba hiramin t0h gagawin ko lang lyrics
Post a Comment